Ang Pagdalaw ni Moroni kay Joseph Smith

Paano nadalaw ni Moroni si Joseph Smith nang napakaraming beses nang hindi nagising ang buong sambahayan nila?
Hindi malinaw kung gaano ka-"pisikal" o ka-"pangitain" ang mga pagdalaw ni Moroni[BIO] kay Joseph Smith[BIO]. Maliit ang bahay ni Joseph, at malamang na natutulog siya sa isang maliit na kama kasama ang kanyang mga kapatid.[1] Posibleng may nagising, pero walang tala na may sinuman na nagising habang nangyayari ang mga pagdalaw na ito.
Ibig bang sabihin nito na ang pagdalaw na ito ay isang uri ng espirituwal na pangyayari sa halip na pisikal?
Posible. Maaaring may ilang espirituwal o hindi pisikal na bahagi ang pangyayaring iyon.
Maaari bang ang mga “pagbisitang” ito ay isang napakalinaw at paulit-ulit na panaginip lamang na naranasan ni Joseph?
Posible, pero malamang hindi. Ang mga source na naglalarawan sa pagdalaw ni Moroni bilang isang panaginip ay pangunahing mula sa mga balitang walang source tungkol kay Joseph Smith.[2][3][4]
Gaano katagal ang mga pagdalaw?
May ilang pagdalaw bawat gabi at ayon sa kasaysayang isinulat ni Joseph noong 1838, tumagal ang mga pagdalaw nang “buong magdamag na iyon.”[5]
Kung ipagpapalagay na si Joseph at ang kanyang pamilya ay natulog di-katagal pagkatapos dumilim, kung gayon ang mga pagbisita ay tumagal, sa pinakamatagal, nang mga siyam na oras.[6] Ngunit walang mga tala tungkol sa mga detalyeng ito, at hula-hula lamang ito.
May sinabi ba ang anghel bukod sa nasa Joseph Smith—Kasaysayan sa Ang Mahalagang Perlas?
Malamang. Iniulat ni Oliver Cowdery[BIO] noong kalagitnaan ng dekada 1830 na binigkas ng anghel ang maraming talata sa Biblia at mga propesiya bukod pa sa mga nabanggit sa salaysay sa Ang Mahalagang Perlas.[7]

Bakit hindi ipinapakita sa mga karaniwang painting ang mga kapatid ni Joseph sa kuwarto nang magpakita si Moroni kay Joseph?
Malamang dahil mas dramatic o mas kawili-wili na ipakita na si Moroni at si Joseph lang ang magkasama. O maaaring hindi alam ng mga artist na natutulog si Joseph sa iisang kama kasama ang kanyang mga kapatid. May ilang mas bagong artwork din (ika-dalawampu’t isang siglo) na kasama sa mga publikasyon ng Simbahan na nagpapakita kina Joseph at sa kanyang mga kapatid sa iisang kama.[8]
Kailan unang kinilala ni Joseph Smith ang anghel bilang si Moroni?
Ang pinakaunang tala na tinukoy ni Joseph ang anghel bilang "Moroni" ay mula noong 1835, samantalang nagkaroon siya ng pangitain noong 1823.[9]
Bakit naghintay nang ganoon katagal si Joseph bago tukuyin kung sino ang anghel?
Hindi malinaw. Hindi kailanman ipinaliwanag ni Joseph kung bakit siya naghintay nang ganoon katagal bago pangalanan ang anghel. Maaaring naghintay siya hanggang sa magkaroon siya ng mas agarang pangangailangang itama ang pampublikong talaan.[10]
Inilarawan ba ni Joseph ang pagdalaw ng anghel bago ang dekada 1830?
Oo. Ang pinakaunang mga tala na nagsasabing dinalaw si Joseph ng isang anghel ay mula pa noong 1829.[11] Ang tiyuhin ni Joseph na si Jesse Smith,[BIO] ay sumulat ng liham tungkol sa kanyang mga alalahanin sa pagdalaw ng isang anghel kay Joseph at sa paghahayag ng isang “gintong aklat.”[12] Ang unang opisyal na salaysay ng pagdalaw ay isinulat noong 1830.[13]
Totoo ba na orihinal na tinukoy ni Joseph ang anghel bilang si Nephi,[BIO] at hindi si Moroni?
Hindi. Si Joseph at ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw ay kinikilala ang anghel bilang si Moroni noong kalagitnaan ng dekada 1830[14] at patuloy siyang kinilala sa ganitong paraan hanggang sa kalagitnaan ng ikalabinsiyam na siglo.[15]
Ang dahilan kung bakit ito nababanggit ay dahil sa isang maagang draft ng kasaysayan ni Joseph noong 1838–39, ang isang tagasulat na nagngangalang James Mulholland[BIO] ay nagkamaling naisulat ang Nephi sa halip na Moroni.[16] Ang pagkakamaling ito ay muling nalimbag sa loob ng ilang taon sa iba’t ibang publikasyon ng Simbahan.[17] Kalaunan, nakilala ang pagkakamaling ito at naitama.[18]
Noong una, inisip ba ni Joseph Smith na si Moroni ay isang mahiwagang tagapagbantay ng kayamanan?
Hindi, malamang hindi. Inilarawan ng mga kritiko ang salaysay tungkol kay Moroni at sa mga laminang ginto bilang isang uri ng pamahiing may kaugnayan sa folk magic tungkol sa nakabaong kayamanan,[19] ngunit palagiang inilarawan ni Joseph si Moroni bilang isang banal na sugo na isinugo mula sa langit upang pangalagaan ang isang sinaunang talaan.[20]
Hindi ba orihinal na sinabi ni Joseph na ang anghel ay isang palaka o salamander na nagbagong-anyo bilang isang anghel?
Hindi, malamang hindi. Sinabi ng dalawang miyembro ng pamilyang Chase na narinig nila na nakakita si Joseph ng isang palaka na nagbago sa anyong tao.[21] Mayroon ding isang salaysay na nagsabing ang mensahero ay isang salamander, pero kalaunan ay napatunayang peke ang dokumento ng salaysay na iyon.[22]
Ano ang inisip ng pamilya ni Joseph tungkol sa kuwento niya na nakakita siya ng isang anghel?
Naniwala sa kanya ang mga miyembro ng malapit na pamilya ni Joseph;[23] gayunman, hindi naniwala ang kanyang tiyuhin at lolo.[24]
Bakit pinagsasama ng ilang salaysay ang Unang Pangitain at ang pagdalaw ni Moroni?
Malamang dahil sa mga karaniwang dahilan kung bakit napagpapalit ng mga tao ang mga pangyayari—mali ang kanilang pag-alala o nalilito sila sa dalawang magkahawig na pangyayari. Hindi kailanman napagpalit ni Joseph[25] o ng kanyang malalapit na kasamahan[26] ang dalawa, pero tila nagawa ito ng kanyang ina at nakababatang kapatid na lalaki nang alalahanin nila ang mga ito pagkalipas ng ilang dekada.[27]



about this topic